Nina: Samara Eesha Choa, Patmos A at Dominique Paulyne Pesengco, G12 Zion STEM
“Dahil sa pababang bilang ng mga kaso ng Covid19, malamang ay makabalik na sa face-to-face ang mga klase.” Ito ang laman ng mga balitang paulit-ulit na narinig at napanood sa mga nakalipas na buwan.
Nagkaroon ng katuparan ang Face-to-Face classes nang ilang paaralan sa Pilipinas ang nabigyan ng permiso upang magsagawa ng tinatawag na Hybrid Learning, isang kumbinasyon ng virtual at in-class na pag-aaral. Inilunsad kamakailan ng Department of Education (DepEd) ang pilot face-to-face classes sa 120 piling paaralan: 100 pampublikong paaralan at 20 pribadong paaralan.
Sa kasamaang-palad, agad na sinuspinde ng gobyerno ang naturang pilot Face-to-Face na mga klase at mabilis na nagdeklara ng Alert Level 3. Naganap ang lahat ng ito dahil sa mabilis na pag-akyat ng mga bilang ng mga kaso ng Omicron, isang variant ng Covid19 virus. Ayon sa ulat, nagmula sa bansang South Africa ang Omicron. Mas mabilis itong makahawa, ngunit ang epekto nito ay hindi kasinglubha gaya nang sa Delta variant. Mababa rin ang porsyento ng mga nagpapaospital. Naitalang nagkaroon ng Omicron “variant” sa walumpu’t siyam na bansa.
Bumulusok papaitaas ang bilang ng mga kaso sa pagpasok ng Enero 2022. Naging aktibo kasi ang paglabas at paggalaw ng mga tao sa huling bahagi ng buwan ng Disyembre.
"Nakita naman natin sa mga nakaraang araw ay nag-increase exponentially ang mga kaso dahil sa holiday activities kung saan tumaas ang movement ng mga tao at bumaba ang compliance sa minimum public health standards. Isa rin sa dahilan ang detection ng local cases ng Omicron variant,” ayon kay Acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles.
Maging ang komunidad ng MGC New Life Christian Academy ay hindi nakawala sa hagupit ng Omicron. Dalawang ulit na kinailangang isagawa ang pagpapaliban ng pagbubukas ng klase. Idagdag pa rito ang nakaumang na bantang hindi pagsasakatuparan ng Face-to-Face na klase ng G12.
Isang masinsin at maingat na plano ang binuo ng MGC New Life Christian Academy (MGCNLCA). Nagsagawa ng mga pagpaplano at mga hakbang ng pag-iingat para sa Face-to-Face na klase. Maging ang pinakamainam na oras ng pagsasagawa ng klase ay pinagplanuhan din nang buong ingat. Inilabas kamakailan ang school calendar ng taong panuruang 2021-2022 na naglalaman ng mga plano hinggil sa Distance Learning Innovation for Education (DLIFE) ng ikatlo at ikaapat na markahan at Hybrid na klase para sa G12.
Pebrero 28, 2022 nang magsagawa ng inspeksyon ang Department of Education sa ating paaralan. Ipinagkaloob ang napakatagal nang inaasam ng lahat. Aprubado ang aplikasyon ng MGCNLCA na makapagbukas muli ng klase, hindi lamang sa G12 kundi maging sa G11 ay naaprubahan din. Marso 23, 2022, nagsimula ang unang araw ng muling pagbubukas ng tarangkahan ng ating paaralan para sa mga mag-aaral at mga guro.
Ang pagdating ng Covid19 ay isang kagulat-gulat na sakit para sa lahat ng tao sa mundo; mabuti na lang marunong ang sangkatauhan na umakma sa mga pagbabagong kinaharap. Nagsimula na ang pagbabalik sa eskuwela ng mga guro at mag-aaral. Bagama’t hindi pa ayon para sa nakararami ngunit ang landas na tinatahak ay patungo sa hinahangad ng lahat – ang makabalik sa normal at muling makadaupang-palad ang mga dating kaibigan, kaklase, guro, at minamahal na paaralan.
Yorumlar