Gusto mo bang kumain ng meryendang matamis na gawa sa kanin? Iyong sa bawat kagat ay talagang kikiligin ka dahil tunay na pagkasarap-sarap at pagkatamis-tamis. Huwag nang mag-isip pa, tikman na ang iba’t ibang kakaning-Pinoy!
Bukod sa naggagandahang beach resorts dito sa Pilipinas, ang isa pang maipagmamalaki nating mga Pilipino ay ang ating mga katutubong kakanin. Sa tamis at sarap nito, hindi ito pahuhuli sa ilang mga sikat na banyagang meryendang nasa merkado.
Kadalasang kinakain tuwing hapon bilang meryenda ang mga kakaning Pinoy. Nagmula ito sa dalawang salitang Tagalog: “kain” (to eat) at “kanin” (rice) — isang salitang katumbas ay matamis na pagkaing gawa sa malagkit na bigas at gata ng niyog. Sagana sa niyog ang mga bansang tropikal tulad ng Pilipinas kaya hindi kataka-taka na isa ito sa pangunahing sangkap ng mga meryendang ito.
Hindi lamang ang masarap na lasa ng mga kakanin ang nakatatawag pansin, maging ang mga pangalang ibinigay sa mga ito ay kakaiba rin. Isa-isahin natin ang ilang sikat na kakaning-Pinoy na may mayaman at malalim na pinag-ugatan sa ating kasaysayan at kultura.
Una sa ating listahan ang biko. Ito’y pinagsama-samang malagkit na bigas, gata, asukal na pula, at nilalagyan ng latik sa ibabaw. Kung minsan, sinasamahan pa ito ng tanglad upang mas lalo itong maging mabango at katakam-takam. Kilala rin ang biko sa tawag na sinukmani. Kadalasang inihahanda ang biko sa mga piyesta, salu-salo, at iba pang espesyal na okasyon.
Mayroong iba’t ibang bersyon ng pagluluto ang biko, depende sa kung saang probinsiya ito niluto. Ngunit, magkakaiba man ang paraan ng pagluluto, ang sarap at tamis nito ay patok na patok sa panlasang Pinoy.
Ang susunod sa ating listahan, suman!
Ang kakaning ito ay gawa sa malagkit na bigas na niluluto sa gata, binabalot sa dahon ng palma o saging at pagkatapos ay pinasisingawan sa kumukulong tubig. Maraming iba’t ibang uri ng suman, at lahat masasarap. Ngunit mas lalo pa itong sumasarap kapag binudburan ng kaunting asukal o kaya’y ng latik. Sa ibang probinsiya naman inihahain ang suman kasama ang sariwa’t matamis na mangga at inuming tsokolate.
Bago pa man dumating ang mga mananakop ay naririyan na ang suman. Hindi tiyak kung saan nanggaling ang resipe nito, ngunit hindi kataka-takang naimbento ang kakaning ito dahil ang bigas ay isa sa pinakamahalagang pagkain at produkto ng Pilipinas. Kaya naman laging may nakahaing suman sa lamesa ng mga pamilyang Pinoy tuwing may pagdiriwang o selebrasyon.
Pangatlo sa ating listahan, puto bumbong!
Puto bumbong ang isa sa pinakasikat na kakaning Pinoy tuwing buwan ng Disyembre. Hindi makukumpleto ang pananabik na hatid ng malamig na simoy ng hangin ng Disyembre kung wala ang kulay-ubeng kakaning ito.
Ang puto bumbong, o purple steamed rice, ay gawa mula sa "pirurutong," isang espesyal na uri ng bigas na malagkit. Binababad ito sa tubig na may asin at pinatutuyo. Kapag tuyo na, ibinubuhos ito sa “bumbong ng kawayan” o bamboo tubes, at pinapasingawan hanggang sa maluto at maging maitim na ube ang kulay nito. Pagkatapos ay aalisin ito sa mga bumbong, ilalagay sa mga pinutol na dahon ng niyog at papahiran ng mantikilya o margarin na may kinudkod na niyog na hinaluan ng asukal. Mas masarap itong kainin kapag mainit pa.
Mula sa Mexico, pinaniniwalaang dinala ni Miguel Lopez de Legaspi ang puto bumbong sa Pilipinas. Noong panahon ng mga Kastila, hinikayat nila ang mga Pilipinong gumising nang maaga upang magsimba at makinig ng misa. Pagkatapos ng misa, pinapapawi nila ang kanilang gutom at antok sa pagkain ng puto bumbong at pag-inom ng salabat (ginger tea). Tinuturing ding isang Christmas delicacy ang puto bumbong kung kaya’t tuwing misa de gallo o simbang gabi, pinipilahan talaga ito.
Sa paglipas ng panahon, hindi na madaling makahanap ng “pirurutong” kaya ang mga gumagawa ng puto bumbong ngayon ay nakahanap ng alternatibo sa pagluluto nito. Gumagamit sila ng ube powder o kaya’y “purple food powder.”
Pang-apat sa ating listahan, kutsinta!
Matamis na, masarap pa? Kakaning nagmula sa Tsina, kutsinta!
Ang kutsinta o cuchinta ay isa sa mga sikat na kakaning Pinoy. Mapula ang kulay nito, gawa sa harina mula sa bigas o rice flour, asukal, lye water, at inihahain kasama ng niyog. Karaniwang nilalagyan ng atsuete ang kakaning ito upang makuha ang kanilang tipikal na mapula’t kayumangging kulay. Ito ay pinasisingawan upang maluto.
Nagmula sa Hokkien Chinese ang salitang kutsinta na 'Kueh Tsin Tao'. Ibig sabihin ng ‘Kueh' sa wikang Hokkien ay isang maliit na cake o cookie para sa meryenda. Dinala ng mga Hokkien Chinese ang kutsinta sa Pilipinas noong ika-9 na siglo nang nagsimulang makipagkalakalan ang mga Tsino sa Pilipinas.
Sa kabila ng mga naglipana at sikat na mga fast food chains, hinahanap-hanap pa rin ng mga Pinoy ang mga meryendang sariling atin. Tunay ngang sa kabila ng mabilis na takbo ng panahon at modernisasyon, ang kultura at tradisyong kinagisnan natin ay mananatiling bahagi ng ating buhay - ng ating panlasa. Bawat kakaning bibilhin ay hindi lamang pagtangkilik sa mga produktong Pilipino, kundi pagpapanatili rin ng ating kultura at ng ating pagkakakilanlan bilang mga Pinoy!
Kakanin, kakanin,
kapag inihain,
kakainin
Gawang Pilipino, ating tangkilikin!
Commentaires