By Raeka Jenell C. Gonzaga, Olive ABM & Nadine Julianna O. Mateo, Berea C
Anu-ano ang mga pinakaunang pumapasok sa isip mo sa tuwing maririnig ang salitang “Pasko?” Ito kaya’y pagkain, awit ni Jose Mari Chan o di kaya'y ang ABS CBN at GMA Station ID? Maaari rin namang ang inaasahang bakasyon na kung saan makakasama ang buong pamilya. Marahil sa iba, ang pumapasok sa kanilang isip ay pagpapailaw ng kanilang tahanan, gumawa ng parol o di kaya'y ang pagbuo at pagtatayo ng Christmas Tree.
Anumang bagay ang iniuugnay natin sa Pasko, iba-iba man ang paraan ng ating pagdiriwang, at bagamat nahaharap pa rin tayo sa banta ng pandemya, tuloy na tuloy pa rin ang selebrasyon ng Pasko.
Ayon sa awit ng ABS-CBN Station ID 2021, “Hakbang pa. Kapit lang. Wala sa ‘ting maiiwan. Kaya pa. Laban lang. Gabay nati’y pagmamahalan”. Ang ganitong mga liriko ng awitin ay nakapagbibigay sa bawat Pilipino ng inspirasyon upang mas lalo tayong maging matatag sa kabila ng mga problemang kinakaharap natin. Sa bawat taong lumilipas, patuloy nating nararanasan at naibabahagi ang pagmamahal, pagtutulungan, at kabutihan sa bawat isa. Sa gitna ng pandemya, patuloy nating isinasagawa ang mga kinagisnang tradisyon sa panahon ng kapaskuhan. Samahan ninyo kaming magbalik-tanaw sa mga kultura at tradisyong ginagawa ng mga Pilipino tuwing Pasko.
"Let's sing Merry Christmas and a happy holiday. This season may we never forget the love we have for Jesus..." Sa oras na marinig ang awiting ito ni Jose Mari Chan, ito'y nangangahulugang "ber months na." Unang araw pa lamang ng Setyembre, maraming Pilipino ang nag-aabang nang marinig ang kantang ito o di kaya'y patugtugin ito. Sa Pilipinas, ang selebrasyon ng Pasko ay hindi lamang nagaganap sa petsang Disyembre 25. Basta pumasok ang unang araw ng "ber month," makikita na ang iba't ibang dekorasyon tulad ng belen at mga parol. Bahagi na ng ating kultura ang "festive" na selebrayon ng Pasko.
Isa-isahin natin kung paano inaabangan at kung paano pinagdiriwang ang Pasko nang Pinoy-style.
Una. Isa sa pinakagusto ng lahat - regalo. Bata o matanda ay excited na makatanggap nito. Nakapagbibigay kasi ng excitement at masayang pakiramdam kapag nakatanggap ng aginaldo. Ang tunog ng pagbubukas ng regalo ay nagbibigay ng kilig at nagpapaalala ng ating kabataan. Huwag nating kalimutan ang tinatawag na "Monito at Monita" o "Secret Santa," sa Ingles. Bahagi ito ng ating tradisyon. Nakatutuwa itong gawin para sa kasiyahan ng magkakapamilya at magkakaibigan. Nakatutuwang hulaan kung sino ang nagbigay ng regalo at kung ano ang laman ng aginaldo.
Ikalawa. Ang paborito ng lahat - pagkain. Nakagugutom ang amoy ng mga handang gaya ng lechon, bibingka, puto-bungbong, "fruit salad," spaghetti, pancit, lumpiang shanghai at iba pang katakam-takam na mga pagkain. Disyembre 24 ng gabi inihahanda ang iba't ibang pagkaing pagsasaluhan ng pamilya sa oras ng Noche Buena. Pagpatak ng alas 12:00 ng hatinggabi, sabay-sabay na kakain habang nagkukuwentuhan ang buong pamilya. Kasabay ng kainan ang walang humpay na pagbabalik-tanaw sa mga naganap at mga tradisyong ginagawa ng pamilya.
Ikatlo. Nakaugalian na ng ilang pamilyang Pilipino ang pumunta ng simbahan. Sama-sama ang buong pamilya sa pagsisimba at pag-uusal ng panalangin. Hindi nakalilimot ang mga Pilipino sa tinatawag na Misa de Gallo at Simbang Gabi. Idagdag pa rito ang tradisyong tinatawag na "Three Kings" na pinagdiriwang tuwing ika-anim na araw ng Enero. Sa mga ganitong panahon, di-mahulugang karayom sa dami ng tao ang mga simbahan. Isa itong pagkakataon upang makapagsama-sama ang pamilya sa pananalangin bilang pagdiriwang at pasasalamat sa kaarawan ni Hesus.
Ang Pasko sa Pilipinas ay isinasagawa sa iba’t ibang paraan nang ayon sa tradisyong kinagisnan. Magkakaiba man ang pamamaraan, iisa pa rin ang tinitibok nito - ang pagsasama-sama ng pamilya, at pag-alala sa pagsilang ng ating Tagapagligtas.
Comments