top of page
Post: Blog2_Post

Ang Kasaysayan ng OPM (Original Pilipino Music)

Uel Cawaon
Unang Bahagi

“Musika ang buhay na aking tinataglay. Ito rin ang dahilan kung ba’t ako naglalakbay.” Nagmula sa awiting “Ang Buhay Ko” ng bandang Asin ang linyang ito. Musika ang buhay. Musika ang dahilan ng paglalakbay.


Sinasabing mayroong kapangyarihang taglay ang musika. Diumano, tinatawid nito ang pinakamalalim na bahagi ng puso ng tao. Sinasabi ring mayroon itong kakayahang lusawin maging ang damdaming pinatigas ng pighati at panahon. Pinagtutugma nito ang mga pusong milya-milya ang pagkakalayo. Tinuturuan nito ang tao na magmahal, masaktan, magpatawad, muling magmahal, bumuo ng pangarap at kumapit sa pangako ng pag-asa.


Likas sa ating mga Pilipino ang pagkahilig sa musika. Mayroon tayong nakalaang espesyal na damdamin sa mga salitang pinagsama-sama sa mga linyang nilapatan ng tono at melodiyang isinatinig ng isang mang-aawit na biniyayaan ng magandang tinig.


Hindi nahihinto sa pakikinig ang pagtatamasa ng mga Pilipino sa musika. Sa katunayan, dahil sa likas na kahusayan ng mga Pilipino sa musika, at idagdag pa ang marubdob na pagmamahal dito, ang mga musikerong Pinoy ay inspiradong lumikha ng mga de-kalibreng awitin.


Hindi maaaring isantabi ang katotohanang hindi lamang sa larangan ng pag-awit makikita ang husay ng mga Pilipino. Ang galing na ito ay nagsasanga rin sa larangan ng pagsasayaw at maging sa pag-arte, sa entablado man o sa pelikula at telebisyon. Kung husay rin lang ang pag-uusapan, hindi pahuhuli ang galing ng isang Pinoy.


Ating balikan ang kasaysayan ng Original Pilipino Music na mas kilala bilang OPM.


Ayon sa Undscvrd, ang OPM ay tumutukoy sa mga pop na awitin, partikular na ang mga ballad na sumikat noong dekada ‘70 hanggang sa kasalukuyan.


Malaki ang kaibahan ng OPM kung ihahambing sa mga awiting hango sa Amerika at Europa. Isa-isahin natin ang mga dahilan kung bakit namumukod tangi sa lahat ang ating Original Pilipino Music.

Una, nilikha ito ng mga Pilipino! Bagamat ang OPM ay nasusulat sa wikang Ingles at Filipino, sinasalamin nito ang napakayamang wika at kulturang nagbubuklod sa sambayanang Pilipinas.


Ikalawa, laging mayroong malalim na hugot ika nga ang ating mga awitin. Ang mga hugot na ito ay ramdam ng nakararami. Sa bawat awiting pakikinggan, iba’t ibang emosyon ang ipadarama sa sinumang makikinig. Nariyang paiiyakin ka, pangingitiin ka, nariyan ding mapapahagalpak ka sa katatawa, tuturuan kang magmahal, ipaglaban ang taong minamahal,

gagabayan kang bumuo ng pangarap, matuto sa pagkabigo at bibigyan ka ng lakas upang muling bumangon. Iba’t ibang emosyon ang pinupukaw at ipinadarama ng OPM.


Ikatlo, hindi lang naman usaping romantikong pagmamahal ang nilalaman nito. Mapapaluha ka rin sa mga awiting tumatalakay sa pagmamahal at pagmamalasakit sa bayan, pamilya, kaibigan, at maging sa kalikasan.


Ikaapat, maging ang impluwensiya ng ating kultura ay nailalatag din sa liriko ng mga awit. Ang mga konsepto ng harana, dalagang Pilipina, at bayanihan ay isinasatinig din. Ang ganitong musika ay mainam na instrumento upang maipaunawa sa mga kabataan ang kahalagahan ng ating tradisyon at kultura.


Samahan ninyo akong bumalik sa kasaysayan ng nakaraan. Hayaan ninyo akong isama kayo sa isang “trip down memory lane” at gamit ang imahinasyon ng pakikinig, balikan natin ang musika ng iba’t ibang dekada.


Sinasabing dekada ‘70 isinilang ang Original Pilipino Music. Sa mga taong ito namulaklak ang mga kantang “rock ballads” na isinulat sa wikang Filipino. Pagsisimula rin ito ng mga awiting Taglish na sinasabing kauna-unahan sa mundo.

Sumikat ang mga awitin ng Hotdog kagaya ng “Manila,” at “Ang Miss Universe ng Buhay Ko.” Maging ang kantang “Mr. DJ” ni Sharon Cuneta ay tinangkilik din. Idagdag natin sa listahan ang tunay na klasikong mang-aawit na si Jose Mari Chan na nagpasikat ng mga kantang “A Love to Last” at “Can’t We Just Stop and Talk Awhile”.

Ito din ang mga taon kung saan talagang pumailanlang ang katanyagan ni Freddy Aguilar dahil sa kanta niyang “Anak”, na mayroong limampu’t limang (55) iba’t ibang bersyon sa dalawampu’t anim (26) na iba’t-ibang wika ng mundo. Ito ang unang pagkakalantad at pagkilala ng OPM sa buong mundo.

Ang iba pang sikat na mga musikero ng dekadang ‘70 ay ang Juan Dela Cruz Band at ang Apo Hiking Society.


Dekada ‘80 naman nagsimula ang marami sa ating mga paboritong mang-aawit ngayon. Una ay si Gary Valenciano na pinasikat ang awiting “Di na Natuto” at “Di Bale na Lang.” Nariyan din ang pagsikat ni Regine Velasquez na isinatinig ang mga kantang “Isang Lahi” at “The One I Love.” Kung usaping pampulitika naman, mayroong ding ambag ang OPM sa aspetong ito. Sumikat ang mga kantang “Bayan Ko” ni Freddie Aguilar (na nilikha sa 1979) na pumapaksa sa pagkakaisa at bayanihan na pinaigting ng EDSA People Power Revolution.


Sinasabing sa dekada ‘90 nabuo ang iba’t ibang bandang pumatok at tumanggap ng pagtangkilik ng tao. Ito ang dekadang nagbigay ng kulay sa OPM.


Sa mga taong ito sumikat ang bandang Eraserheads. Sinasabing ito ang pinaka-iconic na banda sa buong kasaysayan ng musika ng Pilipinas. Para sa marami, ang bandang ito ang nagbigay ng tunay na kahulugan ng kung ano talaga ang OPM.


Ang mga awiting kagaya ng “Ang Huling El Bimbo,” “Ligaya,” “Alapaap,” “Magasin, ” at iba pa ay hindi lang binubuo ng mahusay na himig ngunit nagtataglay din ng mga pahayag hinggil sa kamalayang panlipunan.


Sa taong ding ito, sumikat ang iba pang mga banda, tulad ng Rivermaya na nagpasikat ng “214,” “Ulan,” at “Awit ng Kabataan. Tinangkilik din ng mga Pilipino ang husay ng bandang Parokya ni Edgar na nagpasikat sa mga kantang “Picha Pie,” “Mr. Suave,” “Harana,” at “Your Song.” Ito rin ang taon na kung saan sumikat ang mga sub-rock genres ng musika. Ibang mga banda at artista sa dekada na ito ay: Side A, After Image, Introvoys, the Dawn, at Orient Pearl.


Sa panahong ito rin nagsimula ang rap revolution na pinangunahan ni Francis Magalona o ang King of Pinoy Rap. Ang kanyang unang album, Yo! ay ang unang (komersyal na) inilabas na Pilipinong rap album. Ang kanta niyang “Mga Kababayan” din ang nagsimula ng dyanrang makabayang rap. Karaniwang mga paksa ng kanyang mga kanta ay nakabase sa sosyo-politikal na isyu sa Pilipinas, gaya ng pagkalulong sa droga, hindi matatag na politika, at colonial mentality. Iginawad ang Presidential Medal of Merit kay Francis Magalona tatlong taon pagkatapos niyang sumakabilang buhay.

3,425 views0 comments

Recent Posts

See All

Comentários


bottom of page