Kung pagdiriwang ng kapistahan ang pag-uusapan, hindi pahuhuli ang Pilipinas. Malaking bahagi ng oras at panahon ang inilalaan ng mga Pilipino sa preparasyon ng pagdiriwang ng kapistahan. Pagbibigay parangal sa pinaniniwalaang patron ang mga selebrasyong ito. Ito rin ay pagpapasalamat sa mga biyayang ibinigay diumano ng kanilang patron. Sa pagdiriwang ng iba’t ibang kapistahan, napapanatili at naipapahayag nito ang mayamang kultura ng ating bansa, mga kulturang pamana pa ng ating mga ninuno.
Kilalanin ang tatlo sa pinakapopular na pestibal ng bansang Pilipinas. Unahin natin ang Sinulog Festival.
Ipinagdiriwang taon-taon ang Sinulog Festival tuwing ikatlong linggo ng Enero sa lungsod ng Cebu. Ito ang pinakainaabangang piyesta, kahit ng mga turista. Ginugunita ng Sinulog ang pagdating ng Santo Niño sa Cebu. Ayon sa kasaysayan, ibinigay ni Ferdinand Magellan ang rebulto ng sanggol na Hesus kay Rajah Humabon ng Cebu noong 1521. Gustong-gusto ng mga tao ang pagdiriwang na ito dahil mas nagbigay daan ito sa mga Pilipino na makilala at mapahalagahan ang Kristiyanismo. Nagsimula ang pagdiriwang sa pag-alok ni Rajah Humabon kay Reyna Juana na sumayaw kasama ang Santo Nino. Nang makita ito ng mga Cebuano, ginaya nila ang Rajah at Reyna at doon na nagsimula ang unang Sinulog Festival. Hindi lamang naglalaman ng mga selebrasyon para sa Santo Niño ang piyestang ito, ngunit nagtatampok din ng mga iba’t-ibang paligsahan. Ang malikhain at makulay na paraan ng pagpapakita ng pagsilang ng Kristiyanismo sa ating bansa ang dahilan kung bakit dinarayo ito ng mga lokal at turista.
Isa pa sa mga sikat na pestibal ay ang Panagbenga Festival. Taon-taon itong ipinagdiriwang tuwing buwan ng Pebrero sa lungsod ng Baguio. Kilala din ang Panagbenga sa tawag na “Blooming Flowers Festival.” Tumatagal ito ng isang buwan at puno ng mga masasayang kaganapan. Kasaysayan at kultura ng Baguio City ang ipinapakita sa Panagbenga Festival. Pagkatapos ng mapawasak na lindol na nangyari noong 1990 sa Luzon, nasira ang maraming lugar sa Baguio. Gamit ang mga bulaklak, idinaraos ang Panagbenga Festival upang ipakita ang muling pagbangon ng Baguio mula trahedya. Ang paligsahan sa pagdidisenyo ng flower float at ang paligsahan sa street dancing ang dalawa sa pinakainaabangan at dinadagsa ng maraming tao.
Isa rin sa pinakaaabangang pagdiriwang sa bansa ang MassKara Festival ng Bacolod. Idinaraos taon-taon tuwing ikaapat na linggo ng Oktubre, ang MassKara ay parehong minamahal ng mga lokal at mga turista dahil sa kasiyahang dulot ng mga nakangiting mukha ng nakikilahok.
Sa pagdiriwang na ito, nakasuot ng maskarang nakangiti ang mga tao, dahilan upang tawaging “City of Smiles” ang Bacolod. Binebenta rin ang maskara sa mga turista para magkaroon ng dagdag na puhunan. Ngayon, ito ay isang bagay na hindi makalilimutang bilhin ng mga turista. Bukod dito, hindi rin pinapalampas ng mga dumadalo ang kompetisyon sa sayaw. Ang mga street parties ay tinatawag na MassKaraland, at kahit sino ay maaring sumali at sumayaw hanggang sa paglubog ng araw.
Hindi lamang sa lupa at tubig mayaman ang Pilipinas. Hitik din tayo sa makukulay, masasaya, maiingay, at nakakabusog na mga pagdiriwang. Magkakaiba man ang paraan ng selebrasyon, pawang idinaraos ang mga ito upang mapanatili at mapagyaman ang kulturang Pilipino.
Kaya ano pa ang hinihintay mo? Tara na sa iba’t ibang lalawigan at sumama na sa kanilang pagdiriwang!
Comments