top of page
Post: Blog2_Post
Jamaena Kaw

ANG PAG-AARAL SA PAMAMAGITAN NG ISKRIN

Sinulat ni: Jamaena Kaw

Ang pagtanggap sa pagiging normal ng “Online Schooling” at ang planong pagbutihin ang sistema nito.

Ikalawang Gantimpala sa Pagsulat ng Lathalain, Word Cup Competition.



Sabi nga ni Atty. Salvador “Bong” Belaro Junior, ang kinatawan ng “Ang Edukasyon Party-list”, “Ang tunay na pag-asa ay palaging nasa edukasyon.” Siguro naman alam na nating lahat ang sitwasyon ng ating mundo ngayon. Natigil ang halos lahat ng uri ng harap-harapan na komunikasyon, at hindi nabubukod ang pag-aaral dito. Kaya’t importante na tayong mga mamamayan ay mayroong malawak na pagkakaintindi at pagkakaunawa sa mga naidulot ng pandemya sa ating araw-araw na buhay, kasama na rito ang mga hadlang na kinailangang harapin ng sektor ng edukasyon.


Dahil halos tayong lahat ay nakakulong lamang sa ating mga bahay, nawalan tayo ng maraming oportunidad kagaya ng pag-aaral ng harap-harapan. Kaya naman ang mga estudyante ay napilitang ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral sa bahay na lamang, at ang ganitong klaseng pamumuhay ay nakakaapekto sa “mental health,” hindi lamang ng mga estudyante, kundi maging ng mga guro. Marami sa mga guro ay nawalan ng trabaho dahil hindi na sila mabayaran ng tamang suweldo ng kanilang paaralan. Ang ibang guro naman ay nahihirapang turuan ang mga estudyante sapagkat hindi nila alam kung talagang natututo ba ang mga ito. Maaring nakatingin sila sa kanilang mga iskrin at kunwaring nakikinig, pero hindi natin alam na sila’y gumagawa na pala ng ibang bagay. Bukod pa rito, ang “online learning” ay isinasagawa sa iba’t ibang mga plataporma katulad ng Zoom, Google Meet, at iba pa. Ang mga platapormang ito ay nangangailangan ng internet, subalit alam naman natin na ang malaking porsyento ng mga Pilipino ay mahihirap. Kaya’t paano nila mababayaran ang mga bayarin para sa internet kung hindi man lang nila kayang bumili ng makakain?


Ngayong napag-usapan na natin ang kalagayan ng ating edukasyon sa Pilipinas, ano ba ang maisasagawa natin upang mapabuti ang sistema nito? Naniniwala si Atty. Salvador “Bong” Belaro Junior na kailangang bigyan ang bawat isang estudyante ng isang tablet para makasali sa mga klase. Ito’y isang mahusay na plano, ngunit maisasagawa ba ng gobyerno ito? Mayroon bang pondo ang gobyerno upang mabigyan ang bawat estudyante ng tablet? Kung sakali mang mabigyan ang bawat estudyante ng tablet, mababayaran ba ng kanilang mga magulang ang tuition fee ng kanilang paaralan? Alalahanin natin na maraming tao ang nawalan ng trabaho dahil sa pandemyang pinagdaraanan natin, at maraming magulang ang kinailangang itigil ang edukasyon ng kanilang mga anak dahil sa kawalan ng trabaho.


Dahil dito, pag-isipan nating mabuti, paano nga ba natin mas mapapabuti ang edukasyon sa panahong ito? Ang sagot diyan ay tanggapin na natin na ito na ang bagong normal. Pilit nating pinaniniwalaan na babalik ang mundo sa kung anuman ito dati, subalit, malayo na tayo roon. Kaya’t ang layon ng gobyerno ay hindi dapat ibalik ang dati, kung hindi isipin kung paanong mas mapapabuti ang ngayon. Hindi lamang ang gobyerno ang dapat gumawa ng solusyon, tayo ring mga estudyante ay dapat dumiskarte. Kung talagang gusto nating makapagtapos ng pag-aaral, makakahanap at makakahanap tayo ng paraan.


19 views0 comments

Comments


bottom of page