top of page
Post: Blog2_Post

Halalan 2022: Sino Ang Karapat-dapat?

Micah Tan at Leiffe Guntiñas

Nina: Micah Tehinnah Tan, G12 Zion STEM at Leiffe Nathanael Guntiñas, G7 Nazareth


Pagdating sa kampanya, palaging sinasabi ng mga kandidato na sila ang dapat nating piliin. Mayroong dalawang panig ang bawat kwento, ngunit sino ba talaga ang karapat-dapat maging pinuno ng Pilipinas? Ayon sa diksyunaryo, ang pamumuno ay ang kapangyarihan o kakayahang mamuno sa ibang tao. Kasama sa pagiging pinuno ang responsibilidad na magbigay ng inspirasyon at direksyon upang maihatid ang misyon. Alinsunod sa darating na eleksyon, mahalaga ang maingat na pagpili sa ating mga pinuno dahil sila ang magdadala ng mga kagustuhan ng karamihan patungo sa ikabubuti ng ating inang bayan.

"Ang katapangan ng isang mahusay na pinuno upang matupad ang kanyang pananaw ay nagmumula sa “passion, hindi position.” - John Maxwell

Kaugnay nito, ang pamumuno ay hindi lamang tungkol sa posisyon o titulong hawak ng isang tao. Mayroon pang mga ibang katangian na bumubuo sa isang mabuting pinuno. Bagama’t ang pagiging isang mabuting pinuno ay nag-iiba para sa bawat tao, nangangailangan pa rin ng isang pinunong may kasanayan at katangiang kailangan upang mamuno nang mabisa.

Una, dapat magalang at matapat ang isang lider para hindi tayo malinlang at para makasigurado tayong tutupdin nila ang kanilang mga pangako. Ito’y dahil ang kapangyarihan natin bilang mga mamamayan ay ating pinasa sa kanila nang atin silang pagkatiwalaang iluklok sa puwesto. Madidismaya ang mga tao kapag hindi tinupad ng mga pinuno ang kanilang mga pangako, kaya dapat matapat ang isang lider upang makuha nila ang tiwala at respeto ng mga tao.

Ikalawa, ang isang mabuting lider ay kailangang magkaroon ng mabisang komunikasyon at kakayahang magdelegado ng mga tungkulin. Mahalagang makapili ng tamang taong magiging kinatawan ng isang lider dahil ito ang magsisilbing mga kamay na siyang magpapatupad ng mga proyekto at programang naglalayong mapabuti ang buhay ng bawat mamamayang Pilipino. Kapag nangyari ito, magiging buo ang pagtitiwala ng sambayanan sa kakayahan ng lider sa pamumuno at pamamalakad ng bansa.

Dagdag pa rito, ang iba pang mga katangian katulad ng pagkakaroon ng simpatiya, pagpapakumbaba, at kakayahang makaimpluwensya ng mga tao ay makabuluhan sa isang lider. Ang mga nabanggit na ito ay daan upang makalikha ng isang matibay na pakikipag-ugnayan sa mga taong pinamumunuan. Huwag kalimutan na magkaiba ang impluwensiya at manipulasyon. Mahalagang maprotekahan ang paniniwala, pagpapahalaga at paninindigan ng mga tao.

Panghuli, kailangan ng Pilipinas ng isang matapang na lider na hindi takot na ipaglaban at ipagtanggol ang ating bansa. Hindi kailanman ilalagay ng isang mabuting lider ang kaniyang bansa sa kompromiso at sa anumang sitwasyong maglalagay sa panganib sa buhay ng nakararami. Inuuna ng isang mabuting lider ang mga mamamayan bago ang kanilang sarili dahil may puso silang maglingkod sa bayan.

Bukod pa sa pagsasaalang-alang sa pagkatao ng mga kandidato, kailangan nating tingnan ang kanilang mga layunin at pangmatagalang plano para sa Pilipinas. Dapat nating suriin kung ito ay magiging kapaki-pakinabang sa ating bansa at sa mga mamamayan upang makita natin kung sila ay handa para sa kanilang posisyon. Mahalagang alamin natin ang tungkol sa kanilang buhay - ang kanilang pinagmulan, maging ang kanilang mga nagawa at naiambag bago pa man ang halalan. Sinasalamin ng mga ito ang mga gagawin nila sa hinaharap. Nagpapakita din ito ng kanilang mga personalidad, karakter at kakayahang mamuno.

Bilang mga mamamayan ng ating bansa, mayroon tayong karapatang bumoto para sa mga susunod na pinuno. Ang isang boto ay maaaring magdulot ng pagbabago, kaya mahalaga ang maingat na pananaliksik at pagsusuri tungkol sa mga tatakbong kandidato lalo na sa ating kasalukuyang henerasyon. Sa panahong ito kung saan napakalakas ng boses ng social media at iba pang teknolohiya, mas mabilis na kumalat ang mga maling impormasyon. Dahil dito, kailangan nating magkaroon ng masusing pag-iisip upang makapagsagawa ng kritikal na pagninilay-nilay sa mga nakikita o naririnig natin sa iba’t ibang plataporma ng media. Kailangan din natin suriin ang mga paninindigan ng mga kandidato sa mga isyu ng ating bansa katulad ng mga suliranin tungkol sa kalusugan, pangkabuhayan, edukasyon, imprastraktura, at maging ng kalayaan ng pamamahayag. Katulad sa mga kampanya ng mga kandidato, hindi lang basta-basta tayo dapat maniwala sa mga nakikita natin dahil kailangan nating patunayan muna kung totoo ang mga impormasyon at tingnan nang mas malalim ang kanilang mga mensahe. Higit sa lahat, dapat tayong manalangin para sa mga mabibigyang kapangyarihang makapaglingkod.

Ang pagpili ng isang mabuting pinuno para sa ating bansa ay isang malaking hakbang para sa pag-unlad ng Pilipinas. Ito ay para sa kinabukasan ng ating bansa at para sa ikabubuti ng susunod na henerasyon. Magdadala ng kapayapaan at kaunlaran ang isang mabuting lider sa ating bansa upang mapabuti ang buhay ng mga mamamayan. Dahil dito, dapat tayong bumoto nang maayos, nang may pag-iingat at magsagawa ng masusing pananaliksik tungkol sa mga kandidato. Ang pagiging isang pinuno ay hindi madali, ngunit tatanggapin nila ang hamon dahil sa kanilang pagmamahal para sa lupang sinilangan. Sinisikap tugunan ng isang mabuting pinuno ang mga suliranin ng ating bansa, at nilalayon nilang magkaisa ang mga mamamayan. Napakarami ng mga problemang hinaharap ng ating bansa, subalit walang isang tamang solusyon para sa bawat isa. Bagama’t hindi perpekto ang ating gobyerno, dapat lahat tayo ay magkaisa at tanggapin ang mga napiling lider dahil sila ay itinakda ng Diyos.

Tutoong walang perpektong lider. Lahat ay nagkulang at marahil ay may nagawang pagkakamali sa panahon ng kanilang panunungkulan. Napakalaki ng mga kailangang ayusin sa ating gobyerno. Ibayong panalangin ang pinakamabisang maibabahagi natin sa sinumang pinunong pipillin ng taumbayan. Karunungang magmumula sa ating Diyos ang hangarin natin sa bawat lider na maihahalal sapagkat sila’y itinalaga ng Panginoon sa mga posisyong iyon para sa isang tiyak na layunin.



67 views0 comments

Recent Posts

See All

Comentarios


Copyright © 2021 LifeNews

bottom of page