Noong Agosto, mainit na mainit ang usapin hinggil sa sinasabing nawawalang pondo ng Kagawaran ng Kalusugan. Sinubaybayan ng mamamayang Pilipino ang usaping ito. Nailathala ito sa iba’t ibang pahayagan, at ng mga programa sa telebisyon. Muli nating balikan ang ilang mahahalagang detalye hinggil sa isyung kinasangkutan ng Department of Health (DOH) sa gitna ng pandemya.
“Wala pong kinurakot, inilaan natin ang mga pondong ito para sa ating mga kababayan," Francisco Duque III, Kalihim ng DOH.
Ito ang naging paglilinaw ni Duque, bilang tugon sa 2020 ulat ng Commission on Audit (COA) na hindi sumunod ang DOH o Kagawaran ng Kalusugan sa batas at regulasyon hinggil sa paggamit ng halagang P67.323 bilyong pisong pondo para sa COVID-19.
Ayon pa sa COA, nagsagawa ang DOH ng mga pagbiling nagkakahalaga ng P5.035 B na hindi dokumentado at mayroong “procedural deficiencies” na lumabag sa Government Procurement Reform Act.
Mayroong mga paggastos at pagbiling nagkakahalaga ng P194.403 B na hindi nakabuti sa usaping paghawak at paggamit ng pondo. Mayroon ding sinasabing mga pagkakamali sa mga sinumpaang statements, mga non-posting procurement information na hindi naitala sa mga website ng gobyerno at iba pang isyu kaugnay nito. Ayon pa rin sa COA, ang halagang P69.942B na sinasabing ginastos upang ipambili ng mga medical equipment na magpahanggang ngayon ay hindi pa nagagamit.
Ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte, “Noong sinabi ng COA na mayroong pagkukulang, hindi ibig sabihin na ninakaw ang pera.” Ayon pa sa pangulo, “imposibleng manakaw ang 67.3 bilyong piso.”
Naglabas ang COA ng isang pahayag na nagsasabing hindi nila sinasabing nawawala ang pondo ng DOH bagkus sinasabi nila na kulang lamang ang dokumento ng DOH tungkol sa kanilang transaksyon.
Ang mga bilyong pisong binanggit sa itaas ay ilan lamang sa mga bilyong pondong inasahan ng sambayanang Pilipino na kanilang masasandigan sa gitna ng pandemya.
Noong Oktubre 29, 2021, nakahanap ng bagong impormasyon ang Senado habang iniimbestigahan ang isyu ng nawawalang pondo ng Department of Health (DOH). Napag-alaman ng Senado na hindi nagbabayad ng tamang buwis sina Michael Yang (Isang Tsinong negosyante at dating Tagapayo sa ekonomiya ng Pangulo), Christopher Lao (dating executive ng Kagawaran ng Badyet at Pamamahala at dating nagtatrabaho sa ilalim ng tanggapan ni Sen. Bong Go nuong siya'y Special Assistant to the President), at mga opisyal ng Pharmally (sinuspinde ng DOH dahil sa pagbebenta ng mga expired na face shields sa napakataas na presyo) sa nakalipas na mga taon. Tinatalakay at sinusuri na ng Senado ang mga isyung na nagaganap.
Sa mga darating na araw, magkakaroon ng bagong impormasyon at balita tungkol sa isyung ito. Ang inihayag noong Agosto ay magiging isang mahabang talakayan na magbubukas ng mga panibagong isyu na kailangang hanapan ng mas matibay na ebidensya upang magkaroon ng kasagutan at hustisya. Bilang kabataan, hangad naming mairesolba na ang isyung ito at managot ang dapat na managot. Nakatitiyak kaming nais ng sambayanang Pilipino na mahanap kung saan napunta ang bilyong pisong nagmula sa buwis ng mga Pilipino. Karampatang parusa ang nararapat na maipataw sa mga nagkasala sa bayan.
Panawagan naming mga kabataan, ipaglaban ang karapatan ng bawat mamamayang Pilipino laban sa mga kurapsyong nagaganap. Karapatan ng bawat Pilipino na magkaroon ng disente at tapat na pamamalakad ng gobyerno. Ipaalam ang katotohanan hinggil sa nawawalang pondo. Ang mga mamamayan ay nagbabayad ng buwis hindi para mawala o mapunta lamang ito sa kung saan. Mayroon tayong karapatang malaman kung saan napunta ang perang ito dahil ito ay pinaghirapan ng mga Pilipino para sa Pilipinas.
Comments