top of page
Post: Blog2_Post
LifeNews

Mga Klasikal na Awiting Pamasko: Kumukutikutitap at Ang Pasko ay Sumapit

Bianca Denise Ong at Bianca Iyesha Sy


Ilang araw na lang ay magsisimula na ang mga pagdiriwang at salo-salo para sa Kapaskuhan. Saan man tayo pumunta, may maririnig na tayong mga tugtuging pamasko. Isa ito sa mga mahalagang bahagi sa kabuuan ng Paskong-Pilipino. Ibabahagi namin ngayon ang kasaysayan ng dalawang awiting madalas nating naririnig sa mga panahong ito.


“Kumukutikutitap.” Ito’y sinulat ni Ryan Cayabyab o kilala rin bilang Mr. C sa industriya ng musika. Dahil sa kaniyang kahusayan sa paglikha ng iba’t ibang awitin, ginawaran siya ng prestihiyosong Order of National Artists nuong taong 2018. Isa sa kanyang mga nilikhang awit ang “Kumukutikutitap.” Ito ay tungkol sa isang tindahan ng kendi kung saan lahat ay kumikinang at maligaya. Makikita rito ang makukulay na “display” at “confectionary” at maging isang punong kahoy na mistulang “christmas tree.”


Isa sa nakatawag pansin sa liriko ng kanta ang “eskusesa’t guhitan.” na sa wikang Ingles ay “scotch and striped.” Ayon kay G. Cayabyab, matagal bago niya naunawaan ang kahulugan nito. Noon, inakala niyang ang ibig sabihin nito ay “gumuhit o guhitan.” Nang sumapit ang ikatatlumpung taon ng awit na ito, saka lamang niya naunawaan na ito ay paglalarawan sa isang “ribbon” na ang disenyo ay “scotch at striped.” Kaugnay nito, nagsagawa si G. Cayabyab ng kaunting pagpapabago sa “rhythmic value” ng awit.


Ang naturang awit ay nabuo upang maging piyesa ng isang koro para sa isang patimpalak ng mga koro ng iba’ ibang kompanya. Ngunit dahil sa isang trahedyang naganap - ang asasinasyon kay dating Senador Ninoy Aquino - nakansela ang patimpalak. Kinalaunan, ang awiting ito ay ginamit sa isang musikal na sinulat ni Jose Javier Reyes na pinamagatang“Bituin (The Star of Bethlehem).”


“Ang Pasko ay Sumapit.” Dito sa Maynila, kapag nagsimula na ang tinatawag nating “ber months,” marami na tayong naririnig na nagpapatugtog ng pamaskong kanta. Isa sa mga klasikong pamaskong awitin ang “Ang Pasko ay Sumapit.” Taglay nito ang masiglang himig at lirikong hindi mahirap kabisaduhin. Maging sa pangangaroling, madalas itong kantahin. Ngunit sa kabila ng kasiglahan ng awiting ito, mayroon itong kinapaloobang kontrobersiya.


Hindi ito ang orihinal na bersyon ng awitin. Ang kinikilala nating kumatha at gumawa ng kanta ay sina Levi Celerio at Josefino Cenzial. Ngunit bago tayong lahat naakit sa tugtuging ito, ang mga Bisaya ay matagal nang humanga sa awiting “Kasadya Ning Taknaa.” Ito ay sinulat nina Mariano Vestil at Vicente Rubi. Binuo ito para sa isang Carol Contest sa Cebu. Naisulat at nabigyan ito ng karaparang-ari o copyright noong 1933.


Bagama’t magkatulad ang melodiya ng dalawang awitin, hindi magkapareho ang mensaheng ibinabahagi ng mga ito. Ang “Kasadya Ning Taknaa” ay tungkol sa mga pangyayari at damdaming nararamdaman natin sa panahon ng Pasko. Ang liriko nito ay nakasulat at kinakanta sa wikang Bisaya. Sa kabilang dako naman, ang “Ang Pasko ay Sumapit” ay tungkol sa kasaysayan ng Pasko, pagdiriwang ng panahon at mabubuting saloobin ang nilalaman ng awiting nabanggit. Sinulat at kinakanta ito sa wikang Tagalog.


Sa kabila ng mga katanungan tungkol sa kung sinuman ang totoong lumikha ng kanta, mukhang mas mabuting magpasalamat na lamang tayo sapagkat dalawang awit ang nagbibigay ng aliw sa atin.


134 views0 comments

コメント


bottom of page