top of page
Post: Blog2_Post
Samantha Ong

Smaller and Smaller Circles: Isang Sulyap sa Kinabukasan ng Panitikang Pilipino




Smaller and Smaller Circles: Isang Pagsusuri”


“You’ve been watching too many foreign movies, Father Saenz; there are no serial killers in the Philippines.”


Labing-isang taong gulang ako noong ipinakilala sa akin ng aking ama si Sherlock Holmes. Malalalim ang mga salita ng mga istorya, nakabaon sa alikabok ng isang makalumang panahon ngunit napukaw ang aking interes. Nabighani ako ng misteryo. Sa ating kultura, tila taboo kung hindi man ay iniiwasang pag-usapan ang usapin hinggil sa pagpatay. Gamit ang mga titik mula sa kuwento ng krimen at parusa, pinagana ko ang aking interes.


Karaniwang nagmumula sa Kanluran ang mga kuwentong ganito ang tema. Mula kay Nancy Drew hanggang kay Hercule Poirot, kundi man wala, bibihira ang nagmula sa Asya. Kung mayroon man, hindi masyadong kilala ang mga ito kahit sa pamayanang Asyano.


Wala ito sa isip ko noon— dahil para sa akin, ang batayan ng halaga ng isang kuwento ay hindi lamang nakasalalay sa tagpuan at konteksto nito. Ngunit isang libro ang nagpabago ng aking perspektibo. Bunga nito, lumawak ang aking pananaw, hindi lamang sa panitikang misteryo kundi sa kakayahan ng mga manunulat na Pilipino.


Sa klase naming 21st Century Literature, pinabasa ni Gng. Kristine Zurbano ang Smaller and Smaller Circles ni F.H. Batacan, isang Pilipinong manunulat. Ito pa lang ang unang nobela ni Batacan, ngunit nanalo na ito ng mga prestihiyosong pagkilala tulad ng Philippine National Book Award, Carlos Palanca Memorial Award, at Madrigal-Gonzalez Best First Book Award. Ito rin ang itinuturing na kauna-unahang Pilipinong nobelang tungkol sa krimen.


Isinalaysay nito ang kuwento nina Padre Gus Saenz at Padre Jerome Lucero, dalawang paring Heswitang inaanyayahan ng NBI na mag-imbestiga sa isang serial killer sa Payatas. Maingat at tiyak ang istilo at porma ng pagsulat ni Batacan. Ang kanyang napiling panulat ay ginagamit nang mayroong pag-iingat at husay ng isang dalubhasang kriminal. Tiyak na dramatiko at kapana-panabik itong basahin. Hindi ito isang simpleng whodunnit lamang. Sa paglutas ng misteryo, binunyag ng awtor sa mambabasa ang mga mabigat na reyalidad sa ating lipunan: katiwalian, kawalan ng kakayahan, pang-aabuso, at pagpapabaya sa mga biktima ng mundo.


Dahil isang dating mamamahayag, hindi na lingid kay Bb. Batacan ang pagsusulat hinggil sa kawalan ng hustisya.Sa kabila ng mabigat na tema, hindi kinakitaan ng pagkatakot sa pagtalakay ng mga maituturing na “taboo” na tema ang pagkakasulat ng akda. Nilahad at sinulat niya ang kuwento sa paraang makatotohanan at nagpapakita ng habag sa bawat tauhan ng akda.


Nais kong magbigay ng isang babala: ang Smaller and Smaller Circles ay hindi para sa mga mahina ang loob. Nangangailangan ito ng isang matigulang o matured na mambabasa, isang taong kayang samahan ang mga tauhan sa pagdidiskubre ng nakapangingilabot na katotohanan.


Ang Smaller and Smaller Circles ay matatagpuan sa mga online na tindahan at sa anyong audiobook sa Audible. Para sa mga mas mahilig sa biswal na midyum, ang pelikula ni Raya Martin na halaw sa nobela ay maaring panoorin sa Netflix at YouTube.


110 views0 comments

Comments


bottom of page