top of page
Post: Blog2_Post

Wikang Filipino sa Puso ng Isang Tsinoy

ᜈᜒ ᜇᜈᜒᜁᜎ ᜄᜈ᜔

Sinasabing ang asignaturang Filipino, ay hindi kalakasan ng mga mag-aaral ng MGC New Life Christian Academy. Para sa ilan sa atin, ang wikang Filipino ay sagabal, masalimuot at mahirap unawain. Idagdag pa ang malalalim at matatalinhagang mga salitang nakalilitong basahin at intindihin. Ngunit para sa iba, hindi gaano malaking hamon ang pagkatuto ng wikang Filipino dahil mayroon silang kakayahang unawain ito. Ngunit ang nakalulungkot na bahagi, wala silang matagpuang halaga sa pag-aaral nito kaya napapawi ang interes. Bagama’t nakakaintindi ng Filipino, walang puwang ang paghahangad upang mapaunlad ang kasanayan sa paggamit ng wikang ito. Nakakadismaya, sapagkat napakaganda at napakayaman ng wikang Filipino at kung sisilayan lang sa positibong perspektibo, matutuklasan ang kariktang angkin nito.


Sa nakalipas na mahigit isang daang taon, sumailalim sa maituturing na maintriga at masinsing proseso ng pagbabago at paglago ang wikang Filipino. Sariwa pa mula sa tatlong siglong pananakop ng Espanya, ang Pilipinas ay naging kolonya rin ng mga Amerikano at Hapon. Kaya naman, nagkaroon ng malaking impluwensiya ang wikang Espanyol, Ingles, at Nihonggo sa wikang Filipino. Hindi natin namamalayan, sa ating pang araw-araw na pakikipagtalastasan, gumagamit tayo ng mga hiram na salita mula sa mga banyagang wika. Halimbawa, ang mga salitang “libro” at “intindi” ay nagmula sa wikang Espanyol, ang “iskolar” at “nars” naman ay galing sa wikang Ingles, at ang “karaoke” at “dahan-dahan” ay ilan sa mga salitang nagmula sa wikang Nihonggo. Subalit, hindi lamang noong panahon ng kolonyalismo naimpluwensiyahan ng mga wikang banyaga ang mga Pilipino. Sa katunayan, bago pa man dumating ang mga Kastila, Amerikano, at Hapon, matagal nang nakikipag-ugnayan ang Pilipinas sa iba’t ibang bansa at kaugnay nito, hindi lamang sa wika naging bantad ang mga Pilipino, kundi maging sa iba’t ibang mukha ng kultura mula sa mga kalapit na bansa. Dahil dito, ang mga wikang Tsino, Malay, Arabe, at Sanskrito ay naging ganap na bahagi ng wikang Filipino at maituturing na nagsilbing pundasyon ng wikang ginagamit natin sa kasalukuyan. Ang mga karaniwang salita tulad ng “susi” at “hikaw” na galing sa wikang Tsino, “buwan” at “mukha” na hango sa wikang Malay, “hukom” at “akala” na nagmula sa wikang Arabe, at “asa” at “simba” na galing sa wikang Sanskrito ay maliit na porsyento sa kalawakan ng leksikong Filipino na inangkop ng mga Pilipino at pinagtibay bilang atin. Bukod pa rito, kinakatawan din ng ating wikang pambansa ang iba’t ibang katutubong wika na naging batayan upang matukoy ang wikang pagkakakilanlan - ang Filipino. Mula rito, hayag na hayag ang yaman ng ating wika. Yamang nagtataglay ng hiwaga at sumasalamin sa ating kasaysayan, kultura, at lipunan.


Bilang mga Pilipino-Tsino, nasaan ang ating espasyo sa usaping wikang Pambansa? Tayo ba’y nasa posisyong malalagay sa malaking hamon ang ating pagkakakilanlan? Bilang Pilipino-Tsino, saan tayo lulugar? Paano natin maipapakita ang ating pagpapahalaga sa wikang Filipino habang pinanghahawakan ang ating pagkakakilanlan bilang Tsino? Tunay nga bang mayroong halaga at pakinabang sa atin ang pagkatuto ng wikang Filipino?


Sa aking kuro-kuro, bilang isang Pilipino-Tsino, hindi maaaring isantabi at balewalain ang katotohanang kailangang matutunan ang wikang Filipino sapagkat ang pagiging Pilipino ay bahagi rin ng ating pagkakakilanlan na dapat nating tanggapin, isabuhay, at panindigan. Nakatira tayo sa Pilipinas. Ito ang arkipelagong nagkakanlong sa di-mabilang na Tsino - lahing nagmula sa Silangang Asya na buong pusong tinanggap at kinakalinga ng bansang Pilipinas. Ang katotohanang ito ay hindi mapasusubalian ng sinuman. Isa ring malinaw na argumento na ang pagkatuto at paggamit ng wikang Filipino ay hindi kailanman makasasakit sa ating pagkatao. Bagkus, tanda pa ito ng pagsulong sa dahilang hindi tayo nakukulong sa iisang wika. Hindi rin malalagay sa kompromiso ang ating pagkakakilanlan bilang Tsino kung ikalulugod natin ang wika at kulturang Pilipino.



Ang pagkatuto ng isa pang wika, tulad ng Filipino ay mayroong malaking gampanin sa pag-unlad sa larangan ng komunikasyon. Hindi sa lahat ng pagkakataon, wikang Ingles ang magiging sandata natin sa pakikipagtalastasan. Tandaan na ang Pilipinas ay hindi monopolyo ng wikang Ingles. Malaking bilang pa rin ng ating populasyon ang patuloy sa paggamit ng wikang Filipino. Tandaan na ang karagdagang wikang matututunan ay tanda ng pagsulong at hindi pag-urong.


Nais kong ibahagi ang ilan sa mga saknong na sinulat ng ating pambansang bayani, Dr. Jose Rizal. n


Sa Aking Mga Kabata


Saknong 3 Saknong 4

Ang hindi magmahal sa kanyang salitâ Ang wikang Tagalog tulad din sa Latin

Mahigit sa hayop at malansáng isdâ, Sa Ingles, Kastila at salitang anghel,

Kayâ ang marapat pagyamaning kusà Sapagkat ang Poong maalam tumingin

Na tulad sa ináng tunay na nagpalà. Ang siyang naggawad, nagbigay sa atin.



Mahalagang maunawaan nating lahat na walang superyor at inperyor na wika. Anumang wika ito, saanman ito nagmula, ang lahat ng ito ay nilikha nang pantay-pantay, hindi nakalalamang ang isa sa isa.


113 views0 comments

Recent Posts

See All

Comentarios


Copyright © 2021 LifeNews

bottom of page